Itinaas ng Department of Agriculture (DA) sa 600,000 mga ibon ang target nilang katayin o isailalim sa culling process.
Ito’y ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol ay dahil sa kontaminado ang mga ito ng avian influenza na nakapaloob sa pitong kilometrong radius zone sa lalawigan ng Pampanga.
Batay sa pinakahuling tala ng DA, aabot sa mahigit 73,000 mga ibon kabilang na ang mga manok at itik ang kanilang nakatay.
Sa katunayan ayon sa kalihim, mismong ang mga may – ari ng farm sa labas ng itinalagang radius sa Pampanga ang nagboluntaryo nang ipapatay ang kanilang mga alaga bilang bahagi na rin ng pag-iingat.
Samantala, pinaiimbestigahan na ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang OIC ng Bureau of Quarantine sa Batangas port na si Dr. Nejemias Burco.
Ito’y makaraang maipuslit pa rin sa Caticlan Port sa Aklan ang may 1,500 mga itlog mula sa Candaba, Pampanga sa kabila ng ipinatutupad na memorandum na kaniyang ipinalabas.
Magugunitang nagpatupad ng ban ang agriculture department sa pag-aangkat ng itlog at karne ng manok papasok at palabas ng Pampanga makaraang makumpirma ang kaso ng avian influenza sa ilang poultry farms sa lalawigan.