Halos 80% ng mga kabahayan sa tatlong bayan sa Catanduanes ang nawasak dahil pananalasa ng Bagyong Rolly.
Ito ay ayon kay Senador Richard Gordon, batay sa nakuha niyang report mula sa personnel ng Philippine Red Cross sa Catanduanes.
Ani Gordon, sa ngayon ay hindi pa matukoy ang kabuuang pinsalang idinulot ng Bagyong Rolly sa Catanduanes dahil halos putol ang lahat ng linya ng komunikasyon doon.
Maging ang capital ng lalawigan na Virac ay matindi ring naapektuhan ng bagyo kabilang ang ilang ospital at palengke.
Sinabi naman ni Gordon na agad silang magpapadala ng mga tarpaulin at mga yero na magamit bilang pansamantalang matutuluyan.