Aabot na sa 757 trak ng basura ang nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA sa mga estero at iba pang daluyan tubig sa Metro Manila sa loob lamang ng dalawang (2) buwan.
Ayon sa Flood Control and Sewerage Management Office ng MMDA, mula Marso 1 hanggang Mayo 6, nakakolekta na sila ng 5,250 cubic meters ng basura at burak mula sa mga estero at open canal sa Maynila, Makati, Pasay, Malabon at Navotas.
Kaya nitong punuin ang dalawa’t kalahating olympic-size na swimming pool kung pagsasama-samahin.
Puspusan na rin ang MMDA sa paglilinis sa mga estero bago mag tag-ulan upang mabawasan ang baha sa kalakhang Maynila.
Samantala, muling ipina-alala ng MMDA sa mga residente sa flood control areas na maghanda bago ang tag-ulan.
By Drew Nacino