Umaabot sa 8,000 kabahayan ang nasira sa Polillo Islands matapos ang naging pananalasa kamakailan ni Typhoon Karding.
Ayon kay Quezon Governor Helen Tan, nangangailangan sila ng mga construction materials upang maisaayos ang mga na-damage na bahay ng mga residente.
Nasa P30 million ang inilaang pondo ng provincial government mula sa kanilang quick response fund upang asistehan ang mga apektadong residente.
Mahigit 300 bangka naman sa Barangay San Juan ang hindi na magamit ng nasa 1,000 mangingisda makaraang masira sa hagupit ng bagyo.
Pahayag ng Quezon Provincial Agriculture Office, nag-iwan din si Karding ng P100-M halaga ng agricultural damage sa kanilang lalawigan.
Aabot naman sa humigit-kumulang P430M ng mga agrikulutura at imprastraktura ang napinsala sa Dingalan, Aurora.
Bunsod nito, umaapela ang mga residente doon ng mga tulong o ayuda gaya ng pagkain, malinis na tubig, damit at mga construction materials.
Samantala, patuloy ang isinasagawang pagsasaayos ng mga kinauukulang ahensya para maibalik ang suplay ng kuryente sa ilang lugar sa Nueva Ecija.
Pumapalo naman sa 5,000 residente ang naapektuhan ng mga pagbaha sa lalawigan ng Pampanga.