Halos 4 sa 10 Pilipino ang naniniwalang magkakaroon ng dayaan sa darating na eleksyon sa Mayo 9.
Ito ang lumabas sa pinakabagong survey ng Pulse Asia na isinagawa mula Enero 24 hanggang Enero 28.
Mula sa kabuuang 1,800 respondents na pawang mga rehistradong botante, 39 percent ang nagsabing mayroong dayaan sa eleksyon.
Samantala, 29 percent naman ang nagsabing hindi sila naniniwala habang 32 percent ang hindi makapagpasya o undecided.
Una rito, nagsagawa ng survey ang Pulse Asia kung magiging malinis at kapani-paniwala ang eleksyon sa Mayo gamit ang face-to-face interview method.
Sa nasabing bilang halos kalahati o 48 percent ang nagsabing magiging malinis at credible ang magiging takbo ng eleksyon.
Labinlimang (15) porsyento ang hindi pabor sa pahayag habang 36 percent ang hindi makapagpasya o undecided.
Samantala, kakaiba ang konteksto ng eleksyon ngayon kumpara noon.
Ito ang sinabi ni Pulse Asia Research Inc. President Ronald Holmes matapos lumabas sa pinakahuli nitong survey kung saan 4 sa 10 Pinoy ang naniniwalang magkakaroon ng dayaan sa May 9 elections.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Holmes na malamang ay naniniwala ang mga botante na dikit ang labanan sa darating na halalan.
“Kung ikukumpara natin sa survey noong 2010 o kahit nung 2013, kung di ako nagkakamali, Pebrero o Marso, medyo ang batayan nila medyo mas may firm, medyo solid dahil alam mo na kung paano tumatakbo ang kampanya mismo.” Pahayag ni Holmes.
By Jaymark Dagala | Jelbert Perdez | Ratsada Balita