Halos kalahating milyong pisong halaga ng iligal droga ang nasabat ng mga awtoridad mula sa dalawang drug suspects sa ikinasang buy-bust operation sa Central Avenue Brgy. Culiat, Quezon City.
Kinilala ang mga suspek na sina Billyser Villeta at Rodolfo Viola, kapwa 41 taong gulang, at nasa drug watchlist ng barangay.
Naisagawa ang operasyon sa pangunguna nina PCPL Neil Pedralvez Baquiran, Patrolman Mark Anthony Vizconde Guloy at Pol. Maj. Don-don Llapitan ng QCPD Station 3 Station Drug Enforcement Unit (SEU).
Aabot sa sampung sachets ng umano’y shabu ang nasabat sa operasyon na tumitimbang ng anim na pung gramo at tinatayang nagkakahalaga ng higit sa 400,000 piso.
Kasama rin sa mga nakumpiska ang sampung gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na may street value na 2,000 piso, isang 9mm na baril, anim na bala, isang weighing scale, isang cellphone at 1,000 pisong buy-bust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.