Nangako ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na kanilang babayaran ang lahat nilang obilgasyon sa Philippine Red Cross (PRC) sa susunod na linggo.
Ito’y matapos matanggap na ng PhilHealth ang legal opinion mula kay Justice Sec. Menardo Guevarra na nagsasabing hindi saklaw ng procurement law ang nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA) nito sa PRC.
Sa isang pahayag, sinabi ng PhilHealth na babayaran na nila ang halos P1-B pagkakautang sa Red Cross upang masimulan nang muli ang testing sa mga suspected COVID-19 patient sang-ayon din sa alituntunin ng Commission on Audit (COA).
Unang inihayag ni Presidential Spokesman Sec. Harry Roque na batay sa legal opinion ng DOJ, hahatiin sa kalahati ang pagbabayad ng PhilHealth sa PRC habang sumasailalim sa pagrepaso ang pinasok na kasunduan ng dalawang panig.