Umabot na sa kabuuang 82.14% ng P22.9 bilyong pondo para sa cash assistance para sa mga pamilyang naapektuhan ng muling pagsasailalim sa NCR plus sa mahigpit na quarantine status ang naipamahagi ng pamahalaan.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, as of Mayo 10, 2021 tinatayang 18,822,713 na ang mga benepisyaryong nakatanggap ng ayuda na sumatotal ay nasa higit sa P18.8 bilyon.
Mababatid na ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng naturang ayuda ay makatatanggap ng P1,000 kada tao o P4,000 naman kada pamilya dahil sa masamang epektong idinulot ng muling pagpapatupad ng mahigpit na quarantine status sa NCR plus o NCR at mga karatig lalawigan ng Cavite, Bulacan, Laguna, at Rizal.
Nauna rito ayon sa budget department na ang mga pondong inilaan sa pagbibigay ng cash assistance sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa NCR plus ay nanggaling sa hindi nagalaw na pondo ng Bayanihan to recover as one act.