Papalo sa halos P6-B ang nakubrang extortion money ng CPP NPA sa unang tatlong taon pa lamang ng administrasyong Duterte.
Bahagi ito ng report ni National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Director General Alex Paul Monteagudo sa NTF ELCAC kung saan pinakamalaking nakolektang extortion money ng mga komunista o nasa P3-B ay mula sa mining companies.
Mahigit P800-M naman aniya ang nakuha ng mga rebelde sa mga may ari ng palaisdaan, mahigit P700-M mula sa construction companies, mahigit P300-M ang mula sa transportation companies at mahigit P13-M mula sa telco habang P150-M ang nagmula sa iba’t ibang kumpanya.
Sinabi pa ni Monteagudo na mahigit P76-M ang naibigay ng mga pulitiko sa mga komunista bilang extortion money noong 2019 Elections habang P121-M naman ang nakumlimbat ng mga komunista sa mga mayayamang personalidad.
Ayon kay Monteagudo, dahil kabilang na sa listahan ng mga terorista ang CPP NPA maaari nang i-freeze at kasuhan ng Anti Money Laundering Council ang sinumang pulitiko at mga indibidwal na magbibigay ng extortion money sa mga rebelde.