Aabot sa P800,000 ang nadiskubre ng mga awtoridad sa isinagawang “Oplan Linis Piitan” sa Manila City Jail, kaninang umaga.
Magkatuwang na ginagalugad ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP, Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA at Philippine National Police o PNP ang Manila City Jail.
Target ng “Oplan Linis Piitan” sa MCJ ang dormitory 11 at 12 na karamihan sa mga nakakulong ay mga miyembro ng Sige-Sige Sputnik Gang.
Sinabi ni MCJ Spokesperson Jail Senior Inspector Jayrex Bustinera, halos umabot sa 1,200 ang kabuuang bilang ng mga inmate sa dorm 11 at dorm 12.
Mahigit isang oras din ang ginawang paghalughog ng mga awtoridad bago nila nadiskubre ang bultu-bultong pera na nakalagay sa ilang malalaking bote ng mineral water.
Ayon kay Bustinera, isasailalim nila sa imbestigasyon ang nasabing halaga upang malaman kung saan ito nanggaling.