Aabot sa halos P88 milyong halaga ng iba’t-ibang klase ng iligal na droga ang nasabat ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) station 7 sa mag live-in partner makaraang ikasa ang buy-bust operation sa Brgy. San Roque, Cubao, Quezon City.
Kinilala ang mag-live in partner na sina Riza Bilbao at Alvin Rapinian na nakuhanan ng 1.5 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P10.2 million; halos 85 kilos ng marijuana na nagkakahalaga ng P10.2 million; halos 35 kilos ng high grade marijuana o kush na nagkakahalaga ng P49 million; at isang kilo ng cocaine na may halagang P5.3 million.
Bukod pa dito, kumpiska din ang nasa 7,594 piraso ng ecstasy na nagkakahalaga ng mahigit P12.9 million, dalawang weighing scale, isang cellular phone, at buy-bust money.
Ayon sa mga otoridad, modus na ng mga suspek ang magbenta ng ilegal na droga online, kung saan, nagsisilbing imbakan o warehouse ang kanilang bahay at napag-alaman din na gumagamit ang mga ito ng delivery apps para maipadala ang mga ilegal na droga sa kanilang mga parokyano.
Mahaharap ang mga sa paglabag sa Republic Act o R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga inarestong suspek.