Hindi isinasara ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang posibilidad na maaaring parte ng planong pagpapabagsak sa administrasyon ang kaso ng pag-kidnap at pagpatay sa Koreanong businessman na si Jee Ick Joo.
Sa panayam sa DWIZ, sinabi ni Aguirre na lumalakas ang kanyang teorya hinggil sa destabilization plot laban sa gobyerno matapos aminin sa pagdinig ng senado kahapon ni SPO3 Ricky Sta. Isabel, isa sa mga suspek sa krimen, na si General Marcelo Garbo mismo ang nagpasok sa kanya sa PNP-Anti Illegal Drug Group. Si Garbo ay isa sa mga inakusahan ni Pangulong Duterte na ‘narco-general’ o umano’y protektor ng mga drug lord.
“Lumabas kahapon na si SPO3 Ricky Sta. Isabel pala ang protégé at nominee ni General Garbo, marami ring naglilink, although sa social media lang ang posibilidad na isang narco-general ang utak ng pangyayaring ito para i-destablize ang gobyerno ni Pangulong Duterte.”
Dagdag pa ni Aguirre, ang anumang tangka na sirain o bahiran ang reputasyon ng pambansang pulisya ay maikukusiderang atake laban sa Duterte administration.
“Alam naman natin na ang gobyerno ay nakatuon sa war on drugs at kailangan ng suporta ng PNP, kaya ganun na lang din ang pagdepensa ng pangulo sa PNP. Pero kapag sinira mo na ang PNP, parang unti-unti mo na ring pinapahina ang administrasyong Duterte. Kumbaga sa tagalog, hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay, hampas sa pulis pero ang latay ay sa Pangulong Duterte.”
Samantala, iminungkahi rin ni Aguirre na mas makabubuti sa NBI at PNP kung direktang mag-uusap ang dalawang ahensiya upang mas mapabuti ang imbestigasyon at lumabas na rin ang buong katotohanan sa nangyari.
“I would advise na direktang mag-usap ang dalawang ahensiya, ang NBI at PNP para maiwasan ang ikahihina ng kaso, konting hina lang nito pwedeng maglead sa pagka-acquit sa talagang guilty. ‘Yung ebidensiya natin ngayon ay umaabot na hanggang kay Supt. Rafael Dumlao.”
Sa huli, inihayag ni Aguirre na nakikipag-ugnayan na sa kanila si Gerardo Santiago, ang dating pulis na may-ari ng punerarya na pinagdalhan ng bangkay ni Jee Ick Joo. Dumating sa bansa si Santiago kaninang umaga at kasalukuyang nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation
“Nakipag-ugnayan na sa amin ‘yung may-ari ng Gream Funeral Homes kung saan dinala ang bangkay ng Koreano, nasa kustodiya na siya ng NBI ngayon wherein he requested for protective custody.”
By Ira Cruz | Credit to: Karambola (Interview)