Nananatiling mataas ang morale ng mga senatorial candidate ni presidential contender Grace Poe sa kabila ng sunud-sunod na disqualification case laban sa kanya.
Ito ang tiniyak ni Manila Vice Mayor Isko Moreno, isa sa mga kandidato sa pagka-senador sa ilalim ng team Galing at Puso ng tambalan ni Poe at Senator Chiz Escudero.
Ayon kay Moreno, matatag ang kanilang hanay at sa katunayan ay ipagpapatuloy nila ang paglilibot sa bansa upang ilatag ang mga plataporma ni Poe.
“Tuluy-tuloy po ang ating pag-iikot sa Pilipinas upang maipaliwanang ang programa ni Senador Grace Poe, hindi po tayo matitinag ng mga kagustuhan ng iilan lamang, alam niyo po demokrasya po itong bansa natin, sana naman po hayaan nila kahit sinong gustng tumakbo at iboto na lang ng tao ang gusto nilang maging lider ng bansa.” Ani Moreno.
Samantala, hindi rin pinalampas ng bise alkalde ang pagbatikos sa paspasang desisyon ng COMELEC 2nd Division na idiskwalipika si Senador Poe sa 2016 presidential polls.
“Bakit si Grace Poe lamang ang denisisyunan nila agad-agaran, eh itong mga ito ay hindi nila tinitignan din yung ibang kuwalipikasyon na nakasaad din sa ating bansa, tayo po ngayon ay buong-buo po ang suporta natin kay Grace Poe katulad po ng kanyang panawagan, walang iwanan at walang maiiwan sa bawat Pilipino sa ating bansa.” Pahayag ni Moreno.
By Drew Nacino | ChaCha