Ilang linggo na lamang ay maguumpisa na muli ang pagsusunog ng kilay o pagbabalik eskwela ng mga kabataan para sa school year 2015-2016.
At kapag ganitong nagbibilang na lamang ng araw ang mga kabataan, hindi maiaalis din ang pagiging aligaga ng mga magulang, lalo na kapag ang kanilang mga anak ay dito sa National Capital Region (NCR) mag-aaral.
Karaniwang nangyayari kapag ang isang estyudante ay tubong probinsiya at mapalad na natanggap na makapag-aral sa lungsod o sa Kamaynilaan, madalas dito na maninirahan ang bata hanggang ito ay makapagtapos ng pag-aaral.
Ang aking pinatutungkulan dito ay ang mga estyudante sa kolehiyo.
Kaya naman, upang hindi magiging mahirap sa bata ang umuwi pa ng probinsiya ay dito na hinahanapan ng tahanan, na karaniwan ay mga dormitoryo o di kaya naman ay boarding house.
Hindi naman siguro lingid sa kaalaman ng lahat na nagkaroon na ng trahedya nang ilang beses nang napaulat na mga maganap na sunog sa ilang dormitory at boarding house sa Metro Manila at ilan pang panig ng bansa.
Alam nating dadagsain ang mga dormitoryo ngayong parating na pasukan, ngunit nakatitiyak ba tayo na ligtas ang ating mga anak sa kanilang pansamantalang tutulyan?
May mangilan-ngilang dormitoryo at boarding house ang di sumusunod sa standard lalong-lalo na kung paguusapan ang kalidad ng tirahan.
Marapat lamang sigurong ngayon pa lamang ay tiyakin na ng mga ahensiya ng local government units ang salitang kaligtasan at suriin na ng mabuti kung ito ba ay ligtas tirhan ng mga probinsyanong estyudante.
Dahil sa mga nagdaang sunog, di maiwasang mangamba ang mga magulang, kaya dapat mismo ang Bureau of Fire Protection (BFP) katuwang ang bawat LGUs na nasasakupan ng naturang dorm at boarding house na gumawa ng mandatory inspection, para sa ganun ay maaga pang magawan ng paraan na baguhin at ilagay ang mga safety measures tulad ng mga anti-fire mechanism.
Karaniwang sanhi ng sunog batay sa ginawang pagsusuri ng BFP ay ang di magandang kondisyon ng mga kawad ng kuryente, dahil sa may kalumaan na ang mga gusaling ginagawang dorm at boarding house.
At para mapanatag ang kalooban ng mga magulang at kaanak ng mga estyudante, huwag na nating antayin pang may magaganap na trahedya bago tayo kumilos.
Alalahanin natin na mahalaga para sa mga magulang ang kinabukasan ng kanilang mga anak, kaya mas marapat lamang na unahin ang kaligtasan bago magbilang ng kikitain ang mga negosyante o mga may-ari ng dormitory at boarding house.