Pinag-aaralan na ng pamahalaang panglungsod ng Maynila ang pagpapatupad na rin ng hard lockdown sa iba pang mga barangay sa lungsod bunsod pa rin ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno, kabilang sa ikinunsidera din nilang maisailalim sa hard lock down ang mga barangay ng Tondo, Sta. Cruz, San Adres at Malate.
Iginiit ni Moreno na layunin lamang ng hakbang ang mapigilan pa ang lalo pang pagkalat ng COVID-19 sa lungsod ng Maynila.
Gayunman, tiniyak ng alkalde na masusi muna nilang pag-aaralan at hindi gagawing biglaan ang pagdedeklara ng hard lockdown sa iba pang mga barangay para mabgyan na rin ang mga residente at mga opisyal na makapaghanda.
Magugunitang una nang nagpatupad ng 48-oras na hard lockdown sa Sampaloc noong nakaraang linggo dahil sa mataas na bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lugar.
Batay sa pinakahuling tala, umaabot na 644 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Maynila kung saan 60 na sa mga ito ang nasawi at 89 ang nakarekober.