Ilan sa mga estudyante ng Bagong Silangan High School sa Quezon City ang maghahati sa isang silid-aralan dahil patuloy paring ginagawa sa ngayon ang bagong senior high school building.
Ayon kay Assistant to the Principal Gloria Dela Cruz, minsan walang gumagawang mga contractor sa gusali dahil mayroon pa daw itong tinatapos na ibang kontrata sa ibang lugar.
Sinimulang itayo ang bagong building para sa mga senior high school students noong buwan ng Enero.
Bilang pansamantalang solusyon, ilan sa mga classroom ang hinati sa dalawa upang ma-accommodate ang lahat ng estudyante na magsisimula ng magbalik-eskwela bukas, Lunes, June 3.
Dahil dito, siksikan na ang bawat silid aralan na sinabayan pa ng nararanasang sobrang init ng panahon kayat halos lahat ng mag-aaral ay pawisan at pagod na pag-uwi ng bahay.
Samantala, ganito rin ang sasalubong sa mga estudyante ng Juan Sumulong Elementary School sa Barangay San Roque, Antipolo City dahil sa hindi parin natatapos ang konstruksyon ng kanilang bago sanang classroom building na halos isang taon nang ginagawa.
Nabatid pa na dahil sa kakulangan ng pondo ng eskwelahan, kinailangan pang maglabas ng sariling pera ang mga guro upang may maipambili ng plywood na nagkakahalaga ng P700 at may maipambayad sa labor na aabot naman sa P300.
Ito umano ay upang malagyan ng dibisyon ang isang klasrum at mahati ito sa dalawa.
Depensa naman ni Juan Sumulong Principal Dr. Ferdinand Millan, wala umano syang ipinag-utos sa mga guro na maglagay ng dibisyon sa mga klasrum bagkus posible aniyang inisyatibo na lamang ito ng kanilang mga school teacher.
Nangako naman si Millan na ire-reimburse ang mga sinasabing halaga na inabono ng mga guro.