“Ang may-ari ng Magsasaka Partylist ay ang mga Magsasakang Pilipino kaya ang pagkapanalo sa Supreme Court ay pagkapanalo ng lahat ng ating mga magsasaka!”
Ito ang naging pahayag ni Congressman, Atty. Argel Cabatbat, matapos maglabas ng desisyon ang Korte Suprema kung saan idineklara nito kung sino ang nararapat na maging kinatawan o representative ng partylist sa Kongreso.
Batay sa desisyon ng SC, ipinunto na hindi maaaring ituring na kinatawan ng Magsasaka Partylist ang respondent na si Soliman Villamin Jr. dahil matagal na itong sinibak bilang opisyal ng grupo.
Iginiit ng Mataas na Hukuman na dapat ay ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang representasyon ni Villamin sa kanyang sarili bilang national chairperson ng grupo lalo pa’t matagal na itong tinanggal bilang national chairperson.
“This Court finds that the Comelec gravely abused its discretion when it focused on purely procedural matters and disregarded the substantive issues raised by Magsasaka the proceedings below, refused to acknowledge established party practice, and substituted its mandate over that of Magsasaka, thereby unlawfully instituting Villamin as its national chairperson,” ayon sa pasya ng SC.
Binanggit din sa hatol ng Kataas-taasang Hukuman na dahil hindi na national chairperson ng Magsasaka si Villamin, ang kanyang nominado na si Roberto Gerard Nazal Jr. ay hindi dapat naiproklama bilang partylist representative sa Kamara.
Samantala, habang nakabinbin ang petisyon ng kampo ni Cabatbat, patuloy itong nagbibigay ng tulong, sa kanyang personal na kapasidad, para sa mga Pilipinong magsasaka at tiniyak ang kanilang kapakanan at kabuhayan.
Sinaklolohan din ni Cabatbat ang mga magsasaka na Ilokano sa Amai na makarating sa Malacañang upang tugunan ang kanilang mga problema matapos silang paalisin sa kanilang mga lugar.
Bukod dito, naging katuwang si Cabatbat sa pag-uulat sa Commission on Human Rights (CHR) sa pagpatay sa mga magsasaka sa Siaton, Negros Oriental at ang pag-bulldoze sa kanilang mga tirahan.
Matagumpay namang naibigay ang lupa ng mga magsasaka sa Coron, Palawan, sa tulong ni Cabatbat, gayundin ang lagoon ng Tagbanua Indigenous People, na tinangkang angkinin ng isang dayuhan.