Sinang-ayunan ni Vice President Jejomar Binay ang hatol nina Supreme Court Justices Arturo Brion, Antonio Carpio at Teresita de Castro sa disqualification case laban kay Senator Grace Poe.
Ayon kay VP Binay, ang naging resulta kasi sa kaso ni Poe ay isang pagkuwestiyon sa Saligang Batas.
Dahil kung maaalala, ibinasura ng Senate Electoral Tribunal o SET ang reklamo ni Rizalito David laban kay Poe.
Giit ni Binay, bilang abogado ay kailangang masunod ang batas ng bansa.
Dagdag pa ng Bise-Presidente, hindi naman aalisan ng pagka-Pilipino si Poe bagkus ay hindi lamang umano ito natural-born Filipino.
Samantala, binasag na ni Vice President Jejomar Binay ang kaniyang katahimikan kaugnay ng umano’y pag-impluwensiya niya sa anak na si Senator Nancy Binay para bumoto pabor sa disqualification case laban kay Senator Grace Poe.
Pinasinungalingan ni VP Binay ang isyu at iginiit na sariling desisyon iyon ng kanyang anak.
Kung pagbabatayan kasi ang mga naglabasang isyu, sinasabing bumoto pabor sa kaso laban kay Poe si Senator Nancy para mabawasan na umano ang isa sa tinik sa lalamunan ni VP Binay sa 2016 elections.
Ito’y dahil nangunguna umano si Poe sa mga nagdaang survey para sa mga tumatakbong pangulo ng bansa.
Una nang iginiit ni Senator Nancy na walang kinalaman ang kanyang ama sa naging desisyon niya dahil Saligang Batas ang kanyang naging batayan.
By Jelbert Perdez | Allan Francisco