Pinagtibay ng Supreme Court ang hatol na two counts of murder laban sa lalaking akusado sa car bomb explosion na ikinasawi ng dalawa katao sa Sultan Kudarat noong 2011.
Sa notice of resolution ng Third Division ng Korte Suprema, napatunayan ng regional trial court na nagkasala nang higit sa makatuwirang pagdududa si Datu Karim Masdal at na-convict bagay na kinatigan ng Court of Appeals (CA) noong 2017.
Si Masdal umano ang nagtanim at nagpasabog ng improvised explosive device (IED) sa loob ng kotse sa tapat ng United Methodist Church sa Barangay Poblacion, Tacurong City na ikinasawi nina Maguindanao Provincial Board Member Datu Russman Sinsuat Sr. at Raffy Parreñas noong August 15, 2011.
Bagaman iniakyat ni Masdal ang kanyang kaso sa SC sa argumentong sumunod lamang siya sa utos ng isang Montasir dahil sa takot, hindi naman nakumbinse ang kataas-taasang hukuman.
Naniniwala ang High Court na ang tanging si Masdal ang nag-plano at nagsagawa ng krimen.