May mataas na posibilidad ng hawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga evacuation centers.
Ito ang ibinabala ni Health Secretary Francisco Duque III matapos ng naging matinding pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Kaugnay nito, pinapayuhan ni Duque ang mga apektadong local government units (LGU)’s at mga emergency responders na mahigpit na tiyaking nasusunod anng minimum health standards sa mga evacuation centers.
Ayon kay Duque, kung maaari ay isang pamilya lamang sa bawat isang classroom o tent ang patuluyin.
Kinakailangan din aniyang matiyak na may maaayos na bentilasyon ang mga pansamantalang tinutuluyan ng mga evacuees.
Dagdag ni Duque, inirerekomenda rin na i-isolate o ihiwalay sa iba ang mga itinuturing na kabilang sa vulnerable population tulad ng mga senior citizens at buntis.
Binigyang diin naman ng kalihim ang palagiang paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask at pagsunod sa physical distancing.