Hawak na ngayon ng militar ang British resort owner at ang asawa nitong Pilipina na binihag ng bandidong Abu Sayyaf sa Sulu, halos dalawang buwan na ang nakalilipas.
BREAKING: Mag-asawang British at Pilipinang sina Allan at Wilma Hyrons na dinukot sa Zamboanga del Sur noong ika-4 ng Oktubre, taong 2019, nasagip na —militar | via @jaymarkdagala pic.twitter.com/MMsQ5ASwkY
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) November 25, 2019
Ayon kay Lt/Gen. Cirilito Sobejana, pinuno ng Western Mindanao Command (WestMinCom), dakong alas-9 ng umaga nang ganap na masagip sina Allan at Wilma Hyrons.
Iniwan ang mag-asawa ng mga bandido matapos sumiklab ang engkuwentro sa pagitan ng mga sundalo at kalaban sa hangganan ng mga Barangay Singkalan at Taha sa bayan ng Parang.
Sinasabing hindi na kinaya ng mga bandido na dalhin pa ang mag-asawa sa engkuwentro dahila upang maiwan ito ng mga tumakas na kidnapper.
Ika-4 ng Oktubre nang dukutin ng anim (6) na bandido ang mag-asawa na may-ari ng isang resort at eskuwelahan sa bayan ng Tukuran.
Sa kasalukuyan, isinasailalim na sa pagsusuring medikal sa isang ospital sa Sulu ang mag-asawang Hyrons matapos masagip ng militar.
Samantala, nananatiling nakataas ang alerto ng militar matapos ang pagsagip habang tinitingnan din ngayon ang ang posibleng paghihiganti.
Nanindigan din ang mag-asawang Hyrons na ayon kay Sobejana, ay hindi nagbayad ng anumang ransom sa mga bandido.