Inihain na ni Las Piñas Rep. Camille Villar ang House Bill 6543 na layuning magbigay ng insurance, benefits at “Tax-Exempted Hazard Pay” sa lahat ng media workers, regular man, kontraktuwal o freelancer.
Kabilang sa mga matatanggap sakaling maisabatas ang Bill ay Disability Benefit na P350,000 sa lahat ng media workers na magtatamo ng total o partial disability habang nasa trabaho;
P300,000 death benefits para sa mga mamamatay sa trabaho; P200,000 reimbursement ng actual medical costs para sa lahat ng ma o-ospital o kakailanganin ng medical assistance habang nagtratrabaho;
Tax-Exempted Hazard Pay na katumbas o hindi bababa sa 25% na Monthly Gross Basic Salary tuwing ide-deploy sa calamity affected areas, conflict areas, lugar na talamak ang sakit at iba pang peligrosong lugar.
Ilan naman sa ipinagbabawal sa panukala ang pagtanggi o kabiguan ng media entities na magbigay ng karagdagang Insurance Coverage at hazard pay o pag-tanggi ng insurance companies na i-enroll ang mga mamamahayag at empleyado ng mass media entities at freelance journalists.
Samantala, pagmumultahin ng hindi bababa sa P300,000 at maaaring makulong ng isa hanggang anim na taon ang mga lalabag kapag napatunayang nagkasala. —sa panulat ni Hannah Oledan