Kumilos na ang PNP Sta. Rosa upang mapigilan ang posibleng paglabas sa bansa ng mister na itinurong mastermind sa pagpatay sa sarili niyang asawa at 1 taong gulang na anak.
Ayon kay Supt. Reynaldo Maclang, Hepe ng Sta. Rosa PNP, nakapag-request na sila ng hold departure order (HDO) laban kay Richard Sta. Ana at hiniling na rin nilang ipitin muna ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pasaporte nito.
Sinabi ni Maclang na bagamat nakasuhan na nila si Sta. Ana, hindi pa ito puwedeng arestuhin dahil may karapatan pa itong sumagot sa kaso.
“I believe na nandirito lang po siya at kami naman po ay nananawagan we have nothing against Mr. Sta. Ana because we’re just only gathering evidence, we are not fabricating evidence para lang po maidiin po siya, we dig deeper and we come up nga po dito sa anggulo na talagang ang tinutumbok po lahat ng circumstantial at ang ating ebidensya ay itong si Mr. Richard Sta. Ana.” Ani Maclang.
Samantala, patuloy naman anya ang manhunt operations laban sa isang alyas Bryan na itinurong isa sa mga pumasok sa tahanan ng mga Sta. ana at posibleng pumatay sa mag-inang Pearl Helen at Denzel Sta. Ana sa pamamagitan ng pagmartilyo sa mga ito.
Naglaan na ng P200,000 pabuya ang pamahalaang lokal ng Sta. Rosa at P100,000 mula sa provincial government para sa sinumang makapagtuturo kay alias Bryan.
Una rito, sumuko sa pulisya si Ramoncito Galo, kasamahan ni Bryan na di umano’y pumatay sa mag-inang Pearl Helen at Denzel at ikinumpisal ang nagawa nilang krimen.
Kinumpirma ni Maclang na kasama sa extrajudicial affidavit ni Galo ang di umano’y panghahalay muna kay Pearl Helen bago ito minartilyo at ang hinala di umano ni Richard Sta. Ana na may kalaguyo ang kanyang asawa.
LISTEN: Bahagi ng panayam kay Supt. Reynaldo Maclang
Kumpiyansa naman ang PNP Sta. Rosa na matatag ang isinampa nilang kaso laban sa itinurong mastermind ng pagpatay sa sarili niyang asawa at anak sa Sta. Rosa Laguna.
Ayon kay Maclang, lahat ng ikinumpisal ng sumukong suspect ay tumutugma sa lahat ng nakalap nilang circumstantial evidence na tumutukoy kay Ricardo alias Richard Sta. Ana bilang mastermind.
Una nang kinasuhan ng PNP Sta. Rosa si Sta. Ana ng parricide dahil sa pagpapatay sa kanyang mag-ina na sina Pearl Helen at Denzel.
“Meron kasi silang series of events na nagmi-meeting, binigyan pa rin niya ng mga gamit like the ID, job order number at yung mga description ng pamilya, sinurveillance pa rin nila, yun po ang nilagay nila sa kanilang extrajudicial affidavit na ang kasama nilang mastermind ay itong nasampahan natin ng kaso na si Ricardo alias Richard Sta. Ana.” Pahayag ni Maclang.
PAO
Itinanggi naman ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief, Atty. Persida Acosta na nagtatago na umano si Richard Sta. Una, asawa at ama ng pinatay na mag-inang sina Pearl at Denzel sa Sta. Rosa, Laguna.
Ito’y kahit pa itinuro si Richard bilang “mastermind” sa krimen ng isa sa mga sumukong salarin.
Ayon kay Acosta, hindi pa natatanggap ng kanyang kliyente ang subpoena o warrant.
Itinanggi rin ng PAO Chief ang alegasyon at iginiit na hindi dapat basta pinaniniwalaan ang isang suspek dahil posibleng inililihis lamang nito ang mga awtoridad upang maka-iwas sa kaso.
Samantala, patuloy ang manhunt operations sa ikalawang kasabwat sa krimen.
By Len Aguirre | Ratsada Balita | Drew Nacino