Inatasan ng Administrative Support to COVID 19 Operation Task Force (ASCOTF) ang lahat ng Police Commander at Unit head na magkasa ng surprise inspection sa lahat ng istasyon ng pulisya.
Ito’y ayon kay ASCOTF Commander at Deputy Chief PNP for Administration P/LtG. Guillermo Eleazar na may basbas mula kay PNP Chief P/Gen. Debold Sinas upang tiyaking nasusunod ng mga pulis ang minimum health and safety protocol sa lahat ng kanilang mga tanggapan.
Ayon kay Eleazar, lubhang nakababahala na ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay kaya’t dapat matiyak na ligtas ang mga ito habang ginagampanan ang kanilang tungkulin
Mula nuong Marso 15, hindi na bumaba sa 100 ang bilang ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay kung saan, sumampa na sa libo ang bilang ng aktibong kaso.
Sa kasalukuyan, mahigpit an gginagawang contact-tracing ng PNP sa kanilang mga tauhan na nagkaroon ng close contact upang maihiwalay ang mga tinatawag na high risk sa mga low risk close contact ng mga nagpopositibo sa virus.
Batay sa pinakahuling datos, ang Metro Manila pa rin ang nangunguna sa mga Regional Offices ng PNP na may pinaka mataas na kaso ng COVID-19 mahigit isang linggo na ang nakalilipas. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)