Tiniyak ng Department of Health (DOH) na sapat pa ang kapasidad ng health care system ng Pilipinas para tugunan ang lahat ng mga nangangailan ng kritikal na pangangalagang medikal.
Ito sa gitna pa rin ng nararanasang pandemiya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi pa nasasagad sa kasalukuyan ang kapasidad ng tinatawag na critical care utilization rate ng health care system ng bansa.
Aniya, sa kabuuan ay nasa 35% pa lamang ang nagagamit at marami pang reserba kung pagbabasehan ang mga critical resources tulad ng intensive care units (ICU) at mechanical ventilators.
Gayunman, aminado si Vergeire na ang nabanggit na pagtaya ay para sa buong bansa at posibleng magkaka-iba-iba sa bawat rehiyon depende sa kapasidad ng mga ito.
Paliwanag ni Vergeire, ang critical care utilization rate (CCUR) ay ginagamit bilang mahalagang indikasyon para matukoy kung kinakailangan nang ibaba o luwagan ang ipinatutupad na quarantine restrictions.
Makikita aniya rito ang datos sa kapasidad ng mga hospital at iba pang health facilities sa buong bansa sa pagbibigay ng pangangalagang medikal sa mga may malalang karamadaman sa gitna ng krisis.