Hihintayin ng Health Department ang abiso ng World Health Organization kaugnay sa pagbibigay ng ikatlong dose ng COVID-19 sa mga senior citizen at immunocompromised na una nang nakatanggap ng Sinopharm at Sinovac.
Ito ay inihayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sumang-ayon ang lahat ng expert panel sa sinabi ng WHO na ilagay muna sa proseso.
Bukod dito, kailangan rin umano ng regulatory approval bago ibigay ang ikatlong dose para sa mga ito.
Samantala, nilinaw ni Vergeire ang kanilang tinutukoy na ikatlong dose ay iba sa tinatawag na Booster Shots.
Aniya, ang Booster Shot ay ibinibigay sa mga taong bumaba ang COVID immunity matapos ang kanilang ikalawang bakuna samantala ang 3rd dose naman ay para sa hindi nagkaroon ng strong immune response matapos mabakunahan ng una at ikalawang dose ng COVID vaccine.