Planong isulong ng isang mambabatas ang panukalang batas na magbibigay ng health insurance para sa mga pampublikong guro sa bansa.
Kasunod ito ng naganap na aksidente kamakailan sa isang bus sa Orani, Bataan sakay ang 88 public school teachers mula Quezon City kung saan, isang guro ang nasawi habang sugatan naman ang iba pa.
Ayon kay Quezon City 5th District Rep. Patrick Michael Vargas, batay sa House Bill 4074 ang “Health Care for Public School Teachers Bill”, isasailalim sa Health Maintenance Organization (HMO) insurance ang lahat ng guro na hawak ng Department of Education (DepEd).
Sa ilalim ng naturang batas, aatasan ang DepEd na makipag-kontrata sa mga HMO provider na duly recognized at accepted sa mga ospital sa buong bansa at idadaan ito sa isang competitive bidding.
Iginiit ni Vargas na sakaling aprubahan ang insurance program, malaki ang maitutulong nito para sa seguridad ng mga guro na patuloy na nagbibigay ng serbisyo sa bayan.