May posibilidad na luwagan ng gobyerno ang health protocols sa mga tumanggap na ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito, ayon kay Secretary Carlito Galvez, Jr., National Task Force Against COVID-19 chief implementer at vaccine czar, ang ginamit na strategy ng Israel para mahikayat ang kanlang mga mamamayan na magpabakuna.
Sinabi ni Galvez na naging epektibo ito dahil pumayag ang mga tao na magpa bakuna na para maluwag silang makagalaw samantalang limitado pa ang pagkilos ng mga tumatangging magpa bakuna habang mahigpit na sumusunod sa health protocol.
May go signal na rin ng gobyerno ng Israel na makadalo sa mga okasyon at maka biyahe sa ibang bansa ang mga tumanggap na ng kumpletong bakuna.
Hindi na rin obligadong magsuot ng face mask matapos mabakunahan ang mahigit sa kalahati ng populasyon ng Israel.