Dapat mag-hire o kumuha na ng mahusay na abogado si outgoing health secretary Francisco Duque III.
Ito ang payo ni outgoing senate Minority Leader Franklin Drilon makaraang aminin ni Duque na wala siyang pinagsisihan sa naging paggampan niya ng tungkulin.
Ayon kay Drilon, maliwanag sa ilalim ng revised penal code, na si Duque ay principal by indispensable cooperation sa nakitang katiwalian sa paggamit sa pondo ng DOH para ipambili ng pandemic supplies.
Hindi anya makagagawa ng kasong pandarambong ang procurement service ng Department of Budget and Management o PS – DBM kung walang inilipat sa kanila ang DOH na pondong 42 billion pesos.
Iginiit ng senador na ilegal ang pagkakalipat ng nabanggit na pondo sa PS – DBM dahil wala itong kaukulang dokumentasyon.
Nangyari anya ang ilegal na paglilipat ng naturang pondo sa ilalim ng pamumuno ni Duque sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic kaya bahagi siya ng sabwatan para makapangloko sa paggamit sa kaban ng bayan.
Una nang nabunyag sa senate blue ribbon committee hearing na ginamit ang naturang halaga sa pagbili ng pandemic supplies sa pharmally na walang sapat na kapital at lumitaw pang overprice ang mga biniling supplies.