Nagpahayag ng pagsuporta si bagong Health Secretary Pauline Ubial sa illegal drugs campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa seremonya ng paglilipat ng kapangyarihan kanina mula kay outgoing Secretary Janette Garin, sinabi ni Ubial na binigyang diin sa kanya ng Pangulo na galit siya sa iligal na droga.
Kaya naman hinikayat nito ang mga opisyal at tauhan ng Department of Health na ibigay ang buong suporta sa anti-illegal drugs campaign ng Duterte Administration.
Tinagubilinan din umano ni Pangulong Duterte si Ubial na bantayan ang kagawaran upang hindi umiral ang katiwalian.
Nilinaw rin ni Ubial na walang iiral na political appointee sa DOH at ang lahat ng may talento at kakayanan ay magkakaroon ng oportunidad na makaupo sa Executive Committee.
Unang naging Assistant Secretary si Ubial noong 2008.
Umakyat siya sa ranggong iyon mula sa pagiging Rural Health Practice Volunteer.
26 na taon ang karanasan ni Ubial sa public health, partikular sa maternal, neonatal at child health programs.
By: Avee Devierte