Pinatitiyak ng palasyo sa Department of Health na handa ang health system capacity ng bansa sa harap ng banta ng bagong variant ng covid-19 na Omicron.
Ayon kay Acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles, kailangang handa ang kapasidad ng mga ospital sakaling tumaas muli ang kaso ng Covid-19.
Aniya, binigyan na rin ng direktiba ang sub-technical working group on data analytics na maghanda ng model upang makita ang potensiyal na impact ng naturang variant.
Sinabi pa ni Nograles na inatasan na rin ang Department of Interior and Local Government para sa mahigpit na pagpapatupad ng prevent, detect, isolate, test, reintegrate strategy, gayundin ang pnp sa pagtitiyak na nasusunod ang minimum public health standard. —sa panulat ni Hya Ludivico