Humihiling ng dasal sa lahat ng mga Pilipino ang mga pagod nang health workers ng bansa.
Ito ay upang maipagpatuloy ang kanilang laban kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa gitna na rin ng patuloy na pagtaas ng kaso sa Pilipinas.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH), umaabot na sa 80% ng kapasidad ng mga ospital sa Metro Manila ang okupado na.
Maliban pa rito, ilang mga staff rin ng mga ospital ang ipinasok bilang mga pasyente matapos mahawaan ng COVID-19 habang ang iba naman ay naka-quarantine.
Sa talaan ng DOH noong ika-1 ng Agosto, umaabot sa mahigit 5,000 ang bilang ng mga health workers na nagpositibo sa COVID-19.
Nasa 1,734 sa mga ito ang nurse habang 1,100 ang mga doktor.