Maaaring tumanggi ang mga health workers na magpaturok ng bakuna kontra COVID-19 na likha ng Chinese firm na Sinovac.
Ito ang nilinaw ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire dahil hindi mandatory ang naturang rekomendasyon ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG).
Paliwanag pa ni Vergeire, hindi rin mawawala ang priority status sa COVID-19 vaccination program ng mga health workers kahit tanggihan nila ang magpaturok ng bakuna ng sinovac.
Aniya, kuwalipikado pa rin ang mga health workers sa susunod na tranche ng darating na bakuna.
Sa ilalim ng prioritization list ng pamahalaan para sa COVID-19 vaccine, nangunguna sa dapat turukan ang mga frontline workers sa mga healthcare facilities, senior citizen at persons with comorbidities.