Dapat na makakuha pa rin ng benepisyo ang mga health workers na kailangan sumailalim sa mandatory quarantine matapos ma-expose sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang nilinaw ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire batay aniya sa joint circular ng Department of Health D(OH) at Department of Budget and Management (DBM).
Ani Vergeire, kailangan mapaalalahanan ang mga ospital o ibang mga ahensya na dapat ay binibigyan pa rin ng benepisyo ang kanilang mga health worker kahit naka-quarantine ang mga ito dahil ikinukunsidera pa rin itong kabilang sa binabayarang oras ng trabaho.
Nakatanggap kasi aniya sila ng ulat kung saan tinanggal ang hazard pay ng ilang health workers dahil sa mandatory quarantine period ng mga ito.
Kaugnay nito, umapela naman si Robert Mendoza, national president ng Alliance of Health Workers, na dapat binabayaran ng buo ang hazard pay.
Giit ni Mendoza, hindi kasalanan o kagustuhan ng mga health workers na sila ay maka-quarantine, bagkus ito ay dahil sa kanilang trabaho kaya’t sila ay nahawaan ng COVID-19.