Inanunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na maaaring umalis ng Pilipinas ang mga nurse at iba pang health workers na may existing contract sa ibang bansa.
Ito’y matapos magpatupad ng deployment ban sa mga healthcare workers ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) habang umiiral ang national emergency sa bansa dahil sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa pamamagitan ng Twitter post, sinabi ni DFA secretary Teodoro Locsin Jr. na maaari pa ring makaalis ng bansa ang mga health workers na may dati nang kontrata abroad.
Kasabay nito, pinasalamatan ni Locsin ang mga opisyal na nasa likod ng nasabing desisyon kabilang na sina Presidential Spokesman Salvador Panelo, National Security Adviser Hermogenes Esperon at Atty. Jeremiah Belgica ng Anti-Red Tape Authority (ARTA).
Una rito, binatikos ni Locsin ang deployment ban dahil labag umano ito sa rights to travel at non-impairment of contracts.