KAPOS na kapos umano ang mga healthcare program at benefits na nakukuha ng mga senior citizens sa Pasig sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Vico Sotto.
Ito ang naging pahayag ng Federation of Pasig Senior Citizens Association na nagsabing ang isa sa mga pinaka-kailangang serbisyo ng mga matatandang Pasigueño ay ang serbisyong pang-medikal.
“Pag-avail ng healthcare at iba pang medical services ang pangunahin namin problema sa kasalukuyang administrasyon,” pahayag ni FPSCA president Alexander Arreola.
Dagdag nito: “Major concern namin na mga senior citizens dito Pasig ay ang healthcare benefits, programs, at facilities ngunit kulang ang nakukuha ng namin mula sa pamahalaang lungsod.”
Pinaliwanag nito na ang accessibility o ang pagiging abot-kamay ng healthcare program ng lungsod para sa matatanda, katulad ng medical missions na iikot sa mga barangay upang magbigay ng regular na konsultasyon at checkup at iba pang health concern ng mga matatanda ang hindi naibihigay sa kanila ng asministrasyon ni Sotto.
Bagama’t mayroon umanong ibinibigay na serbisyong medikal ang City Hall, katulad ng iba’t ibang vaccines gaya ng animal bites vaccines, hindi naman umano ito sumasapat sa pangangailangan ng mga senior citizen.
Sinabi pa ng pangulo ng FPSCA na matagal din umano ang pamimigay ng mga maintenance medicines sa mga matatandang Pasigueño dahil pinadadaan pa ang mga ito sa mga barangay ng lungsod. Ang iba pa umano sa mga ito ay malapit na ang expiration dates.
“Matagal ang hintayan pati bigayan ng mga gamot at maintenance. Minsan pa nga ay kinukulang. Kulang-kulang ang malasakit sa mga senior citizens,” saad naman ni FPSCA Vice President Reynaldo Malilay.
Matatandaan na ang kakulangan ng healthcare services ng LGU para sa mga Pasigueño ang pangunahing dahilan kung bakit dinagsa ng mga nasa laylayan na pamayanan sa Pasig ang medical mission ng St. Gerrard Charity Foundation na pinamahalaan ng pamilya nina Sarah Discaya na kilala sa tawag na Ate Sarah.
Sinabi ni Discaya sa isang panayam na ang pagdagsa ng kanyang mga kababayan sa kanilang walang kapaguran na medical missions ay pa-totoo sa pahayag ng pederasyon ng mga samahan ng senior citizens na kulang na kulang talaga ang healthcare services at kapos kung hindi man walang mga gamot ang mga health centers ng lungsod ng Pasig.
“Kaya gusto kong magbigay ng magandang serbisyo lalo na sa mga hospital kasi yun yung lacking ngayon, hospital services, walang mga gamot sa mga health centers namin,” diin ni Discaya.
Samantala, umani ng iba’t ibang reaksyon ang malaking surplus fund ng lungsod na umabot sa P3.025 bilyon. Sinasabi ng ilan sa mga Pasigueño na tinipid o kinuripot umano ng kasalukuyang alkalde na si Mayor Vico ang mga pangangailangan o basic services ng lungsod tulad ng school supplies, health care services, at iba pa.
Noong nakaraang taon ay bumagsak ang Pasig City sa 2024 Rankings of Highly Urbanized Cities sa ilalim ng Cities and Municipalities Competitive Index ng Department of Trade and Industry (DTI) mula sa ika-6 nitong ranggo noong 2019 papunta sa ika-9 na pwesto nitong 2024.
Malaki ang naging kontribusyon ng kategoryang government efficiency sa nasabing rankings na kinabibilangan ng government services tulad ng health services, peace and order, school services, at social protection.
Makikita sa naturang rankings na lumagapak ang Pasig mula sa 4th place noong 2019 papunta sa 10th place nitong nakaraang taon sa naturang kategorya.