Nadagdagan pa ang bilang ng mga healthcare workers na tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Batay sa ulat ng Department of Health (DOH), sumampa na sa 3,360 ang bilang ng COVID-19 cases sa mga healthcare workers, habang 2,515 naman sa mga ito ang naka-recover na.
Nananatili naman sa 10 ang bilang ng mga pumanaw dahil sa virus.
Patuloy namang ginagamot at nakasailalim sa quarantine ang 812 active cases mula sa mga nagpositibo sa virus na mga medical workers.
Pinakamarami sa mga nahawahan ng virus ay mga nurse na mayroong 1,207 infections; 842 naman ang mga doktor; 230 ang mga nursing assistants; 135 naman ang mga medical technologists; at 69 sa mga ito ay mga radiologic technologists.
Samantala, sa ngayon ay pumalo na sa mahigit 35,000 ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.