Pinahaharap ng senate blue ribbon committee sa isang pagdinig sina Justice Secretary Menardo Guevarra at Bureau of Corrections Chief Nicanor Faeldon sa Lunes, September 2.
Kaugnay ito sa ipinatawag na imbestigasyon ng komite hinggil sa nabunyag na maagang pagpapalaya kay dating Calauan Mayor Antonio Sanchez at iba pang convicted criminals dahil sa good conduct.
Ayon kay Senador Richard Gordon, chairman ng komite, dapat ihanda nina Guevarra at Faeldon ang kwenta ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ni Sanchez.
Dapat rin anyang magpaliwanag ang dalawang opisyal kung bakit ikinunsidera si Sanchez samantalang maliwanag na hindi ito kwalipikado dahil convicted sa karumal-dumal na mga krimeng rape at pagpatay at nahulihan ng marijuana at shabu habang nasa bilibid.
Pina-iimbitahan din ni Gordon ang pamilya nina Eileen Sarmenta at Allan Gomez, ang mga biktima ni Sanchez at ng mga bodyguard nito.
Unang iniatas ang pagdinig sa senate committee on justice and human rights na pinamumunuan din ni Gordon.
Pero ayon sa senador, nagdesisyon siya na moto propio na itong dinggin ng blue ribbon committee dahil target nilang busisiin kung may ‘hanky panky’ o anomalya sa pagpapakawala sa mga preso gamit ang batas ukol sa GCTA.
with report from Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)