Nakatakdang dalhin sa Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon ang incorruptible heart relic ni St. Padre Pio mula Oktubre 6 hanggang 26.
Ayon kay Fr. Joselin Gonda, Rector ng National Shrine of Padre Pio sa Santo Tomas Batangas, sa Setyembre sana nakatakdang dalhin ang relikya ni St. Padre Pio sa bansa kaalinsabay ng sentenaryo o ika-100 anibersaryo ng pagsasapubliko ng stigmata ni Padre Pio.
Gayunman, hindi aniya ito natuloy dahil sasabay ang naturang pagbisita sa pagtitipon naman ng mga obispo ng Italya sa san Giovanni Rotondo kung saan naroon ang hindi naaagnas na labi at iba pang relikya ng santo.
Subalit ikinatuwa ni Fr. Gonda na sa halip na sampu, tatagal na ng 20 araw ang pananatili sa bansa ng relikya o bahagi ng katawan ni Padre Pio at nakatakda itong ilibot sa iba’t ibang parokya sa Metro Manila para sa Luzon, Cebu para sa Visayas at Davao para sa Mindanao.
Magiging makabuluhan din aniya ang pagdating sa bansa ng naturang relikya na nataon naman sa pagdiriwang ng Year of the Clergy and Consecrated Life.
Nakilala si Padre Pio sa kanyang stigmata o ang bakas ng mga banal na sugat ni Hesukristo na isa sa mga itinuturing ng mga Romano Katoliko bilang sagradong handog mula sa Diyos.
—-