Mistulang nababad sa pugon ang mga taga-Metro Manila sa mas matinding init na naranasan kahapon.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), mag-aalas-2:00 ng hapon nang maitala ang 36.4 °C sa Science Garden sa Quezon City kumpara sa 36.3 °C, noon namang Martes.
Dahil dito, pumalo sa 43.2 °C ang heat index o init na naramdaman sa kalakhang Maynila kahapon.
Gayunman, pinakamataas pa rin sa ngayon ang heat index na naramdaman sa Cabanatuan City, Nueva Ecija noong Miyerkules na umabot sa 52 degrees celsius.
Ipinaliwanag naman ng PAGASA na mas ramdam ng ang matinding init ng panahon kung direktang tinatamaan ng sikat ng araw ang isang lugar lalo kung walang mga puno at malapit sa mga kalsada.
Samantala, muling pinapayuhan ang publiko na iwasan ang paglabas ng bahay simula alas -10:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon at magsuot ng mga damit na manipis at may light colors, ugaliing uminom ng tubig at umiwas sa pagkain ng mga may mataas na protina na nagpapataas ng body heat.
By Drew Nacino