Hinimok ng Department of Health o DOH ang mga magulang na huwag dumipende lamang sa mga anti- dengue vaccine program ng pamahalaan.
Sinabi sa DWIZ ni Health Secretary Francisco Duque III na ito’y dahil sa hindi isandaang (100) porsyento ang ibinibigay na proteksyon ng nasabing bakuna lalo na sa mga may history ng dengue.
Giit pa ni Duque, walang ibang dapat gawin ang mga magulang kung hindi pag-ingatan ang kanilang mga anak mula sa mga lamok na nagdadala ng naturang sakit sa pamamagitan ng araw-araw na paglilinis ng kapaligiran.
“Itong dengvaxia ay mababa ang protective and efficacy rate niyan, siguro at the most 80 percent, at the least 40 percent, and average of about 60 percent efficacy or protection, so ibig sabihin niyan kahit na nabakunahan ka posible pa rin na tamaan ka ng dengue at yung ibang hindi nabakunahan ganun pa rin, kaya yung tinatawag nating prevention is still the order of the day.” Ani Duque
Kasunod nito, sinabi ni Duque na magpapatupad sila ng heightened surveillance kung saan, bibigyan nila ng ID at baller ang mga kabataan na naturukan na ng dengvaxia.
“Susulatan natin, maliban doon sa mga ID cards and ballers meron tayong targeted letters of instructions, advise sa mga magulang, mga anak, guro, local government units, chief executives. We have to approach this na magkakasama, may complimentation of activities.” Dagdag ni Duque
(Sapol Interview)