Umurong ang gobyerno ng Canada na pagbebenta ng labing anim (16) na helicopter sa Pilipinas dahil sa takot na magamit ito sa pag-atake sa mga rebelde.
Kasunod ito ng naging panayam ni Armed Forces of the Philippines o AFP Deputy Chief of Staff for Plans Major General Restituto Padilla sa Reuters na gagamitin ang naturang mga helicopter para sa internal security operations ng militar at maaari ring magamit sa search and rescue operations at disaster relief operations.
Inanunsyo ni Canadian Trade Minister Francois – Philippe Champagne na ang helicopter deal na una nang nilagdaan noong Martes ay kinakailangan na munang sumailalim sa review.
Nang matanong naman ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau kaugnay sa naturang kasunduan, sinabi nitong malinaw ang regulasyon ng Canadian government sa pagbebenta ng mga kagamitan at sa kung paano ito maaaring gamitin.
Aniya, kailangan na siguruhin muna ng gobyerno ng Canada na bago isulong ang naturang helicopter deal ay tumatalima ito sa mga alituntunin at regulasyon na itinatakda ng batas.
—-