Isang 19-anyos na lalaking pahinante ang malubhang nasugatan nang saksakin ng boteng basag ng kainuman sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Kinilala ang sugatang biktima na si Laurence Samong, isang Delivery Helper habang ang suspek na si Ronnie Mendoza, 30-anyos.
Ayon sa pulisya, galing sa inuman sa ang biktima, suspek at mga kasamahan ng mga ito sa trabaho.
Ngunit dala ng kalasingan, nagtalo sina Samong at Mendoza hanggang sa magkaroon ng komosyon na naawat naman ng mga kasamahan.
Tila hindi maka-move on si Mendoza kaya’t nauna itong umuwi sa barracks at kumuha ng basag na bote at sinaksak sa dibdib at mabilis na tumakas sa lugar.
Agad dinala ang biktima sa pagamutan para sa paunang lunas habang nasukol kalaunan ng mga otoridad ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated murder.