Nanawagan si Philippine National Police o PNP Director for Operations P/MGen. Rhodel Sermonia sa publiko na huwag paniwalaan ang mga kumakalat sa Social Media.
Ito’y makaraang mabiktima siya ng fake news makaraang umikot ang isang graphics card ng isasagawa umanong change of command sa PNP sa Nobyembre a-12 kung saan siya umano ang bagong PNP Chief.
Ayon kay Sermonia, layon lang ng nasabing post na bigyang malisya at impluwensyahan ang pagpili ni Pangulong Duterte ng hahalili kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa kaniyang pagreretiro sa Nobyembre 13.
Hahabulin aniya nila kung sino ang nasa likod ng naturang paninira at hiningi nila ang tulong ng PNP Anti-Cybercrime Group para magsagawa ng trackdown ng malisyosong post.
Sa panig naman ni PNP Spokesman P/Col. Rhoderick Alba na wala pang ini-aanunsyo si Pangulong Duterte sa kung sino ang susunod na PNP Chief.
Magugunitang Nobyembre a-2 nang isumite ni DILG Sec. Eduardo Año ng shortlist at nasa proseso na ang Pangulo sa kung sino ang kaniyang napupusuang umupo sa pinakamataas na posisyon sa Pulisya.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)