Walang nakikitang masama ang Philippine Military Academy Alumni Association Incorporated (PMAAAI) sa mga pahayag ni Southern Luzon Command Chief Lt/Gen. Antonio Parlade Jr.
Ito’y makaraang pagsabihan ni Parlade ang aktres na si Liza Soberano na posibleng matulad ito sa sinapit ng aktibistang si Josephine Anne Lapira alyas Ella na napatay dahil aniya sa maling paniniwala.
Ayon kay PMAAAI Chairman at dating PNP Chief Gen. Edgardo Aglipay, ang mga binitawang pahayag ni Parlade para kay Soberano at sa iba pang aktres ay isang paalala na huwag magpagamit sa pananamantala ng maka-kaliwang grupo.
Mismong ang aktres ayon kay Aglipay sa dakong huli ang siyang makapagpapasya kung anong prinsipyo ang kaniyang paniniwalaan at kung magpapagamit ba ito o hindi sa mga progresibong grupo.
Magugunitang binatikos ni Parlade ang pagdalo ni Soberano sa isang forum na ikinasa ng Gabriela kung saan ayon sa heneral ay paraan umano para makapagpalakas muli ng puwersa sa pamamagitan ng panghihikayat ng mga kilalang personalidad.