Pumanaw na ang pinaka-mayamang tao sa Pilipinas at isa sa pinaka-mayaman sa mundo na si Henry Sy Sr.
Kinumpirma ni Hans Sy na sumakabilang-buhay ang kanyang ama kaninang umaga habang natutulog sa edad na 94.
Hindi pa nagbibigay ng karagdagang detalye ang pamilya Sy sa magiging burol ng kanilang padre de pamilya.
Si Henry Sy ang tinaguriang mall at retail magnate dahil sa pagtataguyod ng SM Malls at founder ng SM group; Chairman emeritus ng SM Prime Holdings Incorporated, SM Development Corporation at BDO Unibank Incorporated.
Taong 1958 nang buksan ng nakatatandang Sy ang unang shoemart o SM Store sa Quiapo, Maynila.
Sa halos anim na dekada sa business sector, lumago ang yaman ni Sy sa 19.1 billion dollars hanggang ngayong Enero sa pinaka-huling datos ng Forbes Magazine.