Sinibak na sa puwesto ang hepe ng Caloocan City Police na si Police Senior Superintendent Chito Bersaluna kasunod ng pagkakapaslang sa 17-anyos na si Kian Lloyd Delos Santos sa anti-drug operation sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay NCRPO o National Capital Region Police Office Chief Director Oscar Albayalde, layunin nitong mabigyan ng patas na imbestigasyon ang kaso ng pagkamatay ni Kian at hindi nangangahulugan na direktang sangkot si Bersaluna sa krimen.
Pansamantalang inilipat si Bersaluna sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit kasama ang mga una na ring sinibak sa puwesto na sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda, PO1 Jerwin Cruz at ang kanilang precinct commander na si Police Chief Inspector Amor Cerillo na nanguna sa anti-drug operation.
Samantala, itinalagang officer-in-charge si Caloocan Deputy Police Chief for Administration Police Chief Inspector Ilustre Mendoza habang wala pang itinatalagang magiging kapalit sa puwesto ni Bersaluna.
By Arianne Palma