Sinibak na ang hepe ng Mandaluyong City police at sampung tauhan nito matapos ang nangyaring pamamaril na ikinasawi ng dalawa katao dahil sa mistaken identity.
Ayon kay NCRPO chief director Oscar Albayalde, kasama sa sinibak at iimbestigahan si Mandaluyong City police commander na si Senior Superintendent Moises Villaceran dahil sa command responsibility.
Matatandaang dalawa ang patay kabilang ang drayber ng AUV matapos barilin ng mga tanod at pulis ang naturang sasakyan na napagkamalang getaway vehicle ng mga suspek.
Pero lumalabas, sa imbestigasyon na tumulong lamang ang naturang drayber na dalhin sa ospital ang isang babae na nabiktima ng pamamaril kagabi.
Paiimbestigahan natin ‘to, dahil ito din ang report sa atin ng chief of police doon. Lahat ng involved na pulis ay nasa kustodiya na. Lahat ng firearms ay pina-rekober ko na para sa ballistic examination at for paraffin test ang lahat ng pulis. Pahayag ni Albayalde
Sinabi ni Albayalde na kanila ring iimbestigahan ang mga tanod na silang unang namaril sa naturang sasakyan.
Noong inabutan nila, pumuputok na itong mga barangay tanod, pinutukan na ‘yung Mitsubishi Adventure. Iniimbestigahan natin ‘yung mga barangay tanod, tinitingnan kung mayroon silang baril o wala, ngunit walang narekober doon sa dalawang nahuling barangay tanod. Dagdag ni Albayalde
Palasyo, tiniyak na iimbestigahan ang nangyaring pamamaril sa Mandaluyong
Samanatala, tiniyak ng Malacañang na iimbestigahan ang nangyaring pamamaril kagabi sa Mandaluyong City kung saan napatay ng mga otoridad ang drayber na magdadala sana sa sugatang babae matapos mapagkamalang getaway car ito ng mga suspek.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, lumalabas na sobra ang ginamit na pwersa ng mga pulis na namaril sa maling mga target.
Sinabi ni Roque na dapat lamang na disarmahan na ang mga sangkot na pulis dito.
Matatandaang dakong alas dies bente kagabi ng mabaril sa Barangay Addition Hills ang biktimang si Jonalyn Ambaan.
Isinakay ito sa isang AUV ng mga kasamahan para dalhin sa pagamutan ngunit napagkamalan naman ito ng mga barangay tanod at mga pulis na sinakyan ng suspek kaya’t pinagbabaril na humantong sa pagkakasawi ng dalawang biktima.