Sinibak sa puwesto ang hepe ng Quezon City Police District Station 12 (Eastwood Libis) na si Police Supt. Teresita Escamelian.
Ito’y matapos magbarilan kahapon sa loob ng nabanggit na police station ang dalawang pulis na nagresulta sa pagkamatay ng kanilang supervisor na si SPO1 Arnel Fortes na umawat sa kanila.
Kinilala ang dalawang pulis na nagbarilan na sina PO1 Rollsmith Ducusin at PO2 Teejay Valdez.
Nasa kustodiya ngayon ng QCPD si Ducusin na tinamaan ng bala sa braso, habang si Valdez ay kasalukuyang naka-confine sa Marikina Valley Medical Center matapos tamaan ng bala sa tiyan.
Agad namang nilinaw ni QCPD Director Chief Supt. Edgardo Tinio, hindi ibig sabihin na may direct liability sa pangyayari ang station commander dahil bahagi ito ng proseso habang iniimbestigahan ang insidente.
Sumakabilang-buhay si SPO1 Arnel Fortes habang ginagamot sa Quirino Memorial Medical Center kaninang umaga.
Matatandaang isinugod sa ospital si Fortes matapos mabaril sa leeg habang pinapakalma ang dalawang nag-aaway na mga kasama nang dahil lamang sa attendance.
Samantala, itinalaga si Police Supt. Jeffrey Bilaro bilang bagong Station Commander ng QCPD Station 12.
By Meann Tanbio | Jonathan Andal