Sinibak sa pwesto ang hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Station 5 sa Fairview at apat pang mga pulis nito na nasangkot sa umano’y pangongotong sa pamilya ng naaresto nilang drug suspek.
Ayon kay QCPD Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar, tinanggal sa pwesto si Station 5 Commander Superintendent Bobby Glen Ganipac kasunod ng pagkakaaresto sa kanyang drayber na si Joseph Ruallo.
Si Ruallo ay nagpanggap umanong pulis at nangotong ng P50,000.00 sa pamilya ng isang arrested drug suspek para ibaba ang kaso nito.
Ayon naman kay PNP – CITF o Philippine National Police – Counter Intelligence Task Force Commander Senior Superintendent Chiquito Malayo, inutusan ng mga pulis ng Station 5 si Ruallo para makipagnegosasyon sa pamilya ng naarestong drug suspek.
Inilipat naman sa QCPD Headquarters Support Unit ang mga sangkot na pulis na sina Station Five Drug Enforcement Unit Head Chief Inspector Severino Busa at ang mga tauhan nitong sina SPO3 Marlo Sammy, PO3 Henry Tingle at PO1 Marlon Fajardo.